CENTRAL MINDANAO – Siyam katao ang inoobserbahan ngayon sa Kidapawan City matapos maglakbay sa ibang bansa kung saan kumakalat ang coronavirus acute respiratory disease.
Ayon kay city information chief, Attorney Paulo Evangelista, hindi naman kinumpirma ng City Health Office kung saang mga bansa nanggaling ang siyam na person under monitoring (PUM).
Gayunman ang mga tauhan ng CHO ay mahigpit na sinusubaybayan ang kanilang kalusugan.
Nanawagan si Evangelista sa publiko na maging mahinahon at maging maingat at tiniyak nito sa mamamayan ng Kidapawan na ang LGU ay nagsusumikap sa bagay na ito.
Kinompirma naman ni Kidapawan City Health Office (CHO) Chief Dr. Hamir Hechanova na ang siyam na PUM ay hindi nagpakita ng anumang sintomas na tulad ng trangkaso hanggang ngayon.
Napilitang maglabas nang pahayag ang lokal na pamahalaan matapos kumalat sa social media na ang may-ari raw ng isang kompaniya ng negosyo sa siyudad ay umano’y naglakbay sa China at iniimbestigahan dahil sa nCoV.
Ngunit naglabas din ng pahayag ang grupo ng mga negosyante at mismong may-ari ng tindahan na itoy walang katotohanan o fake news.
Sinabi rin ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa pinatawag nitong emergency meeting at nilinaw ang isyu at tiniyak nito sa publiko ang kanilang kapakanan bago ang selebrasyon ng 22nd charter day.
Ipinagpaliban ng lungsod ang ilan sa mga aktibidad na nakalinya para sa apat na araw na pagdiriwang dahil sa pag-alala ng mga tagapangasiwa ng mga paaralan at tanggapan ng turismo.
Sinabi ni Evangelista na kabilang sa mga pinagpaliban ang drum and lyre competitions at thematic parade.
Dagdag ni Evangelista na ang LGU-Kidapawan ay maglalagay ng mga hand sanitation station sa iba’t ibang lugar sa loob ng plaza ng lungsod para sa mga bisita na sumali sa pagdiriwang.