CAGAYAN DE ORO CITY – Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 10654 ang siyam na katao dahil sa ilegal na panghuhuli ng isda sa karagatan ng Magsaysay, Misamis Oriental.
Kinilala ang mga suspek na sina Elger Tilan Monita, 44; Saloemar Ido Payot, 28; Aquino Endico Debajo, 40; Dino Deligero, 22; Alpedro Deligero Castrodes; Edmond Debajos Rabanes, 30; Aldin Felesco Sabandal, 38; Christopher Labadan Junio, 39; Roy Bosbos Estemera, 27, pawang mga residente ng Caraga region.
Sinabi ni Magsaysay Municipal Police Station Commander, PMaj. Jupiter James Bandrang na matagal na nilang na-monitor ang iligal na panghuhuli ng isda ng mga dayo sa kanilang lugar ngunit nahihirapan silang madakip ang mga ito dahil sa kakulangan ng gamit.
Aniya, sa pagpursigi ng LGU na mahinto ang ilegal na aktibidad, sa tulong na rin ng PNP Maritime Group ay matagumpay na naaresto ang mga suspek.
Narekober sa posisyon ng mga suspek ang isang bangka, dalawang generator, lambat at 400 kilong isda na tamban.