LAOAG CITY – Isinailalim sa lockdown ang siyam na komunidad sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang ilang mga residente at health workers.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Laoag, agad na naglagay ng barikada ang mga barangay officials sa mga purok o sitio ng kanilang barangay.
Ipinatupad ang lockdown sa Sitio Dos ng Barangay Mabusag Sur sa Badoc kung saan isang nurse ng Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center Batac City.
Nakalockdown din ang tatlong purok sa Barangay 13 San Nicolas matapos magpositibo ang isang empleyado ng Civil Aviation Authority of the Philippines at Sitio 6 at 7 ng Barangay 9 ng nasabing bayan matapos magpositibo din sa virus ang isang health worker.
Isang senior citizen din ang nagpositibo ng COVID-19 na residente ng Sitio Dos ng Barangay Calayab at sa Sitio 6 ng Barangay 50 Buttong sa lungsod ng Laoag ay isang ring medical representative ang positibo sa nasabing virus.
Umaabot na sa 23 ang kabuuang kaso ng COVID-19 dito sa Ilocos Norte matapos biglaang maidagdag ang walong positibo kahapon.
Nanatiling walang naitalang malala ang sitwasyon dahil sa COVID-19.
Una nang isinailalim ang lockdown sa ilang sitio ng Brgy. 2 Brgy 3 at Brgy. 4 sa lungsod ng Laoag.