-- Advertisements --
roxas capiz

ROXAS CITY – Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang siyam na magkakapamilya matapos na dumalo sa isang birthday party kung saan mayroong COVID-19 positive.

Ito ang kinumpirma ni Barangay Treasurer Levi Diaz at nagsisilbing contact tracer ng Barangay Banica, lungsod ng Roxas nang makapanayam ng Bombo Radyo.

Ayon kay Diaz, isang health care worker na sinasabing COVID-19 suspected case ang nakasalamuha ng COVID-19 positive at sa halip na mag-isolate ay mas pinili pa nito na pumunta sa naturang okasyon.

Nabatid na makalipas ang ilang araw nakaramdam ng ilang sintomas ng COVID-19 ang magkakamag-anak.

Dahil dito, agad sila isinailalim sa swab testing at lumabas sa resulta na positibo sila sa COVID-19.

Sa ngayon, naka-isolate na ang mga ito sa isolation facility sa Capiz Villareal Stadium.

Samantala, nagpapatuloy naman ang contact tracing ng mga contact tracers sa mga nakahalubilo ng mga nagpositibo.