-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nahaharap ngayon sa kasong may kaugnayan sa paglabag sa Provincial Ordinance 107-2003, o ang An Ordinance Banning the Use of Compressor as a Breathing Apparatus in All Fishing Activities, ang 9 na mangingisda matapos mahuli ang mga ito na gumagamit ng air compressor sa bahagi ng karagatan ng bayan ng Agno dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Esteban Fernandez, III, Chief of Police ng Agno Municipal Police Station, sinabi nito na naaresto ang mga naturang mangingisda matapos na may magsumbong sa kanilang himpilan ng naturang aktibidad.

Kaagad naman silang rumesponde at nagtungo sa lugar kung saan nila naaktuhan ang isang indibidwal na gumagamit ng air compressor sa pangingisda. Kaagad naman nilang inaresto ito at iba pa nitong mga kasamahan at nakumpiska rin nila ang mga kagamitan nila para sa illegal fishing.

Aniya na ang mga nahuling mangingisda ay galing pa ng ibang bayan at dumayo lamang sa karagatan ng Brgy. Aloleng sa nasabing bayan upang magsagawa ng illegal fishing.

Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa himpilan ang mga nahuling mangingisda at naghihintay na lamang ang kapulisan kung magpipiyansa ang mga ito.

Kaugnay nito ay ipinagpapasalamat naman nito na cooperative ang mga ipinapakalat nilang force multipliers na kaagad ipinagbibigay alam sa kanila ang mga ganitong klase ng ilegal na aktibidad sa karagatan at gayon na rin ang mga barangay officials na nakikipagtulungan sa kanila.