-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pinaigting pa ang paghahanap sa siyam katao na natabunan ng lupa sa gumuhong bundok sa Brgy Bato, Makilala, North Cotabato kasabay nang malakas na lindol.

Umaasa pa rin ang pamilya ng mga biktima na buhay pa ang mga ito at posibling lumikas lamang sa kabundukan.

Ngunit hirap din ang search and rescue group kung paano hukayin ang malaking bundok na gumuho sa Brgy Bato sa bayan ng Makilala.

Dagdag problema pa nito ang tuloy-tuloy na nararanasang aftershock ng lindol sa probinsya.

Umaabot sa 21 katao ang nasawi, nasa 361 ang sugatan at 9 missing sa tatlong magkasunod na lindol sa North Cotabato.

Sa ngayon ay pinagsisikapan ng provincial government sa pamumuno ni acting Governor Emmylou ”Lala” Mendoza ang humanitarian relief at pagtatayo ng mga temporary shelter sa mga biktima ng lindol.