VIGAN CITY – Tinukoy na ng Commission on Elections (Comelec) ang siyam na government office na maaaring tumanggap at mag-asikaso ng voter application ng mga kwalipikadong Filipino overseas workers na nasa Pilipinas pa.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa isasagawang May 2022 National and Local Elections.
Base sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan sa tagapagsalita ng Comelec na si Dir. James Jimenez, sinabi nito na lahat ng mga kwalipikadong Filipino citizen na hindi pa nakakapagparehistro bilang overseas voter ay maaaring mag-apply sa pinakamalapit na embassy o consulate sa kanilang lugar o sa iba pang registration center na otorisado ng poll body.
Binigyang-diin pa ng Comelec na lahat ng mga aplikante ay kailangang personal na magpakita sa mga registration center o sa Comelec– Office for Overseas Voting, Intramuros, Manila; Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Intramuros, Manila; Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Ortigas, Mandaluyong City; Maritime Industry Authority (MARINA), Manila; Commission on Filipinos Overseas (CFO), Manila; Department of Foreign Affairs (DFA) – Office of Consular Affairs, ASEANA, Parañaque City; DFA – Office of Consular Affairs sa Manila; DFA – Office of Consular Affairs, Alabang, Muntinlupa City at DFA – Office of Consular Affairs sa Quezon City.
Kailangan lamang umano na dalhin ng mga aplikante ang kanilang valid passport o kung dual citizen naman ay dalhin nila ang kopya ng oath of allegiance o ebidensiya ng kanilang Philippine citizenship na naggaling sa Bureau of Immigration o kopya ng seaman’s book kung ang aplikante ay seaman.
Nauna nang sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni Jimenez na magsisimula ang overseas voter registration sa December 16 at magtatapos sa September 30, 2021.