DAVAO CITY – Natupok ang siyam na kabahayan matapos lamunin ng malaking apoy sa may Phase 3, Doña Asuncion Village, Brgy. Pampanga, Davao City, pasado alas-7 kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay FO1 Francis Philip Corres, Fire Investigator ng Lanang Fire Station na nagsimula ang sunog sa tahanan ni Fe Uyangureen Maraig.
Dagdag pa ng opisyal, ang posibleng dahilan ng sunog ay ang napabayaang kandila at dahil madalas na gawa ang mga bahay sa light materials kaya mabilis kumalat ang apoy.
Samantala, itinanggi naman ni Fe Uyanguren Maraig ang nasabing akusasyon.
Subalit aminado ito na nagsimula ang sunog sa kanyang tahanan ngunit posibleng electrical-related ang sanhi.
Ayon naman kay SFO4 Ramil Gillado, nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang sanhi ng insidente kasama na ang pagtumbok sa kabuuang halaga ng pinsala sa nasabing sunog.