-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Siyam na bayan sa Isabela ang isinailalim sa total lockdown matapos magkaroon ng mga kaso ng African swine fever (ASF).

Inirekomenda ito ni Provincial Veterinarian Angelo Naui sa ginanap na pakikipagpulong ni Governor Rodito Albano sa mga mayor sa Isabela para pag-usapan kung paano mahadlangan ang pagkalat ng ASF.

Sa ipinalabas na talaan ng Provincial Veterinary Office, siyam na bayan sa Isabela ang apektado ng ASF na kinabibilangan ng mga bayan ng Quezon, Quirino, Mallig, Aurora, Roxas, San Manuel, Gamu, Cordon at Jones.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na isinailalim sa lockdown ang siyam na bayan upang hindi na kumalat ang ASF sa lalawigan.

Tatlong bayan naman ang may ASF under iunvestigation na kinabibilangan ng mga barangay Pangal Sur at San Manuel sa Echague,Isabela; Barangay Santos sa Quezon at Barangay Santiago sa Reina Mercedes, Isabela.

Sa kabuuan ay umabot sa 955 na baboy na pag-aari ng 155 hog raisers ang isinailalim na sa culling o pagpatay at pagbaon sa lupa.

Sa Quezon, Isabela ay umabot sa 79 ang baboy ang isinailalim sa culling, 19 sa Quirino; 72 sa Mallig; 109 sa Aurora; 201 sa Roxas, 291 sa San Manuel; 73 sa Gamu at 29 sa Jones, Isabela habang hindi pa malaman ang bilang ng baboy na pinatay sa Cordon, Isabela dahil sa ASF.

Mismong sina Dr. Angelo Naui at Provincial administrator Atty. Noel Manuel Lopez ang naging saksi sa culling at pagbaon sa lupa sa mga baboy sa ilang bayan.

Ngayong araw ay magtutungo ang grupo ni Gov. Albano sa Roxas at San Manuel, Isabela upang kausapin ang mga apektadong hograisers.

Babayaran ng pamahalaang panlalawigan ang bawat pinatay at ibinaon na baboy ng 2,500 pesos bukod sa 2,500 na ibibigay ng pamahalaang lokal.

Maximum na 20 baboy ng bawat hograiser ang babayaran ng provincial at municipal government at pag-uusapan pa kung babayaran din ang mga biik na pinatay.