-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nasaksak ang labintatlong indibidwal kabilang ang isang 9 na buwang gulang na sanggol sa isang shopping center sa Sydney, Australia.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Bombo International News Correspondent Denmark Suede mula sa Australia, nangyari ito matapos pumasok sa shopping center ang isang lalaking suspek na pinaniniwalaang nasa edad 40 at bigla na lang nanaksak sa mga makikita at makakasalubong nito sa shopping center.

Aniya, may kabuuang 13 biktima ng pananaksak, kung saan lima sa kanila ang dead on the spot habang walo ang dinala sa pinakamalapit na pagamutan ngunit isa sa mga ito, ang ina ng 9 na buwang gulang na sanggol, ay binawian ng buhay.

Sabi niya, hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga biktima kabilang ang suspek.

Ipinaliwanag niya, dahil sa multiple stabbing incident ay mananatiling sarado ang shopping center habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Idinagdag niya na hindi pa malinaw kung ito ay isang pag-atake ng terorista o problema sa kalusugan ng isip na humantong sa paggawa ng krimen ng supek.