-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Kinumpirma ng station commander ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Negros Occidental na siyam ang natitirang missing mula sa lumubog na fishing vessel sa kalagitnaan ng Sicogon Island at Cadiz City.

Sa interview ng Bombo Radyo Bacolod kay Captain Ludovico Librilla, ipinahayag nito na nakausap niya ang 2nd mate ng barko na si Pablito Desamparado.

Ibinahagi nito na baNdang alas-1:00 ng madaling araw habang nangingisda ang mga ito, nakasagupa nila ang malakas na hangin na sinabayan pa ng hampas ng malalaking alon na naging dahilan sa pagtagilid ng barko hanggang sa ito ay lumubog.

Ayon kay Librilla, nagpapatuloy ang kanilang search and rescue operations sa siyam na nawawala mula sa 31 na mga crew ng lumubog na FV St. Peter The Fisherman II.

Ang mga pinaghahanap ang kinilala na sina Boat Captain Frankie Chavez, residente sa Toboso, Negros Occidental; Sonar Operator Norberto Parlotzo, residente ng Bantayan Island, Cebu; Steersman na sina Renante Forsuelo at Victor Calvo, mga residente sa Cadiz City, Negros Occidental; Chief Engineer Herminio Ronamo, residente sa Estancia, Iloilo; 3rd Engineer Manuel Auditor; Piscador Rommel Engle ng Cadiz City at Piscador Julit Salvo ng Salvador Benedicto, Negros Occidental at ang Cook na si Julian Dungog ng Cadiz City, Negros Occidental.

Pahayag ng 2nd mate ng barko na hindi agad nakalabas ang chief engineer at 3rd engineer dahil nasa engine room ang mga ito habang ang iba naman ang nasa bridge ng barko kaya madaling nakalabas.

Umaasa naman si Librilla na makakaligtas ang siyam na patuloy pang pinaghahanap ng mga rescuers.

Napag-alaman na 22 sa mga crew ang nagawang ma-rescue at pinauwi na sa kanikanilang mga lugar matapos tingnan ng mga medical personnel at masiguro na maayos ang kanilang kondisyon.

Ayon sa report, agad na ini-deploy ng PCG – Western Visayas ang BRP Nueva Vizcaya (SARV-3502) at PCG-manned BFAR vessel na MCS-3010 para sa search and rescue operations matapos ang insidente.