Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napatay ang 9 na hinihinalang komunista nitong araw ng Pasko sa gitna ng 2 araw na ceasefire o tigil putukan na idineklara ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Ayon sa AFP, nagsagawa ng military offensive ang kanilang 4th Infantry Division umaga ng Lunes laban sa suspected members ng New People’s Army (NPA) na armed wing ng CPP sa mga lugar sa mga barangay sa Malaybalay city, Bukidnon.
Nakumpiska din ng mga awtoridad ang 8 mga baril mula sa mga miyembro ng NPA.
Matatandaan na inanunsiyo ng CPP ang unilateral ceasefire simula kahapon, araw ng Pasko hanggang ngayong araw, Dec. 26 bilang pagmarka sa ika-55 anibersaryo nito ngayong araw.
Sa panig ng militar, mananatiling vigilant ang mga ito at ipagpapatuloy pa rin aniya ang pagsasagawa ng peacekeeping operations sa kabila pa ng deklarasyon ng ceasefire ng CPP.
Nangyari ang naturang engkwentro sa pagitan ng militar at NPA isang buwan ang nakakalipas matapos na magkasundo ang 2 panig para ipagpatuloy ang peace talks.