Inaasahang makakaranas ng ‘danger’ heat index ang 9 na lugar sa bansa ngayong araw ng Lunes sa gitna ng patuloy na epekto ng El Nino at dry season.
Base sa forecast ng state weather bureau, maaaring maranasan ang danger heat index na 43 degrees celsius sa Dagupan City, Pangasinan; Aparri at Tuguegarao City, Cagayan at sa Aborlan, Palawan.
Habang 42 degrees celsius naman ang maaaring maranasan sa Echague, Isabela; Puerto Princesa City, Palawan; Roxas City, Capiz; Zamboanga City at Cotabato City.
Sa Metro Manila naman, maaaring pumalo sa pagitan ng 39 degrees celsius at 40 degrees celsius ang heat index.
Una ng sinabi ng state weather bureau na inaasahang mararanasan pa hanggang Mayo ang danger at extreme danger na heat index.
Kaugnay nito, patuloy na pinapaalalahan ang publiko para maiwasan ang mga sakit na maaaring makuha dahil sa init ng araw gaya ng paglimita ng pananatili sa labas ng bahay, uminom ng maraming tubig, magdala ng panangga sa init gaya ng payong, sombrero at magsuot ng may manggas pangprotekta sa araw.