-- Advertisements --

Kasabay ng pagdiriwang ng marami sa ating mga kababayan ng Kapaskuhan ngayong araw ay nanutralisa ng tropa ng mga militar ang siyam na miyembro ng komunistang teroristang grupo na New People’s Army sa bahagi ng probinsya ng Bukidnon.

Sa kabila ito ng idineklarang dalawang araw na unilateral ceasefire ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front kasabay ng kanilang paggunita sa kanilang ika-55 anibersaryo.

Ayon kay PH Army 4th Infantry Division spokesperson Maj. Francisco Garello Jr., nakasagupa ng naturang mga rebelde ang mga tropa ng 4ID ng Philippine Army sa magubat na bahagi ng mga Brgy. Can-ayan, Kibabalg, Kulaman at Mapulo sa Malaybalay City sa Bukidnon.

Samantala, bukod sa mga pagkakanutralisa sa naturang mga rebelde ay mayroon ding walong iba’t-ibang mga armas ng mga ito ang narekober ng mga militar mula sa naturang sagupaan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ikinasang pursuit operations ng militar sa lugar katuwang ang Philippine National Police upang tuntunin ang iba pang mga kasamahan ng nasawing mga rebelde mula sa naturang bakbakan.