-- Advertisements --
Duterte in Iloilo

ILOILO CITY – Nakatakdang ilibing sa Lunes, ang pitong kasapi ng pamilya Baguio at Janson mula Brgy. Ermita, Cebu City na namatay sa Iloilo Strait tragedy.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Rommel Janson, kaanak ng mga biktima, sinabi nito na kanilang napagkasunduan na bukas sana ang libing ng kanyang mga kaanak na nakahimlay ngayon sa gym ng Brgy. Ermita.

Ngunit dahil na rin sa mga pangyayari, kanilang ipagpapaliban sa Lunes ang libing at kung maaari sana ay sa gym ng Brgy. Ermita na lang gagawin ang misa.

Ayon kay Janson, hindi na nila patatagalin pa ang libing dahil magdudulot lamang ito ng labis na lungkot sa kanilang pamilya.

Kinumpirma naman ni Joshua Grandeza, kapatid ng survivor na si Ma. Nieves Grandeza, na sa Buenavista, Guimaras ililibing sina Romeo Baguio Jr. at Jay Alvien Baguio na siyang live-in partner at anak ng kanyang kapatid.

Ayon kay Grandeza, ngayong araw nakatakdang dalhin sa kanilang bahay ang bangkay ng dalawang biktima.

Sinabi pa ni Grandeza posibleng sa Agosto 24 o Agosto 25 ang libing.