TACLOBAN CITY – Siyam sa 10 munisipyo ng ikalawang distrito ng Northern Samar ang sabay-sabay na gumawa ng resolusyon para ideklarang persona non grata ang mga New People’s Army (NPA).
Ayon kay Captain Angel Mark Arguelles, civil military operations officer ng 20th Infantry Battalion, ang ginawang deklarasyon ng mga LGUs ay patunay lamang na pagod sila sa karahasang dinudulot ng mga rebelde sa kanilang bayan.
Kasama sa mga mga munisipyo na kinokondena ang kaharasan ng mga NPA ay ang bayan ng San Roque, Gamay, Catubig, Las Navas, Silvino Lubos, Laoang, Mapanas, Pambujan, at Lapinig.
Sawa na rin daw sila sa mga ginagawang pananatakot, pang-aatake, extortion at pagpatay ng mga rebelde kaya’t marapat lamang na ideklara silang persona non grata.
Pito naman sa mga barangay sa munisipyo ng San Roque ang gumawa na rin ng kaparehong deklarasyon.
Ngayong linggo ay ang bayan na lang ng Palapag sa segundo distrito ang hindi pa gumagawa ng resolusyon.
Mababatid na noong nakaraang mga buwan ay sunod ang pag-atake ng mga rebelde sa Northern Samar kung saan ilang sundalo kasama ang isang bata ang naiulat na namatay at nasugatan.