ROXAS CITY – Naniniwala ang grupo ng Panay Alliance Karapatan na “massacre” ang nangyari sa siyam na mga miyembro ng grupo ng mga indigenous people na Tumandok sa isinagawang simultaneous serving search warrant operation sa bayan ng Tapaz, Capiz at Calinog, Iloilo kahapon.
Batay sa opisyal na pahayag ng grupo, hindi raw lumaban at nagmakaawa pa umano sa mga otoridad ang siyam na mga namatay kasabay ng pagsilbi ng search warrant sa naturang lugar dahil sa umano’y paggamit ng hindi mga lisensyadong mga baril at eksplosibo.
Ilan sa mga miyembro ng pamilya ng mga namatay ang nagsabi na pinalabas daw sa kanilang bahay, pinadapa at binaril ang siyam na mga indibidwal.
Mula sa 28 na mga subject ng search warrant 17 dito ang naaresto ng mga otoridad.
Kinilala ang mga namatay na indibidwal na sina Eliseo Gayas, Jr; Maurito Diaz; Artilito Katipunan; Mario Aguirre; ; Roy Giganto, kagawad ng Brgy. Lahug, Tapaz at chairperson ng grupo na Tumandok; Jomar Vidal ng Brgy. Daan Sur, Tapaz; Galson Catamin, punong barangay ng Nayawan, Tapaz; Reynaldo Katipunan, barangay kagawad ng Lahug, Tapaz’ at Rolando Diaz Sr. ng barangay Nayawan.
Kabilang rin sa mga namatay sa naturang operasyon ay mga opisyales pa ng mga barangay.
Sa isinagawang press conference kahapon ni PLt. Col. Gervacio Balmaceda, lehitimo raw ang isinagawang police operation sa pamamagitan ng search warrant na inisyu ng korte at walang nilabag aniya ang mga otoridad na karapatang pantao.
Ayon kay Balmaceda, unang nagpaputok ng baril ang siyam na mga indibdiwal sa naturang operasyon.
Nabatid na parte ito ng kampanya ng mga pulis na “Oplan Paglalansag Omega” kung saan nagsanib-puwersa ang mga kasapi ng Philippine Army, Philippine National Police (PNP) Regional Office 6 sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa ngayon, hindi pa pinapalabas ng mga otoridad ang kabuuang bilang ng mga narekober na mga baril at eksplosibo mula sa mga naarestong indibidwal.