CEBU CITY – Posibleng darating ang mga labi ng pamilyang Baguio at Janson na biktima ng trahedya sa Iloilo Strait-Guimaras sa araw ng Huwebes, Agosto 8 sa Cebu City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay OPAV Assistant Secretary Jonjie Gonzales, sinabi nito na kasalukuyang inaasikaso ng mga staff ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV) ang paghahatid sa siyam na mga biktima na taga-Brgy. Ermita upang maihatid ang mga ito sa lungsod ng Cebu.
Dagdag pa ni Gonzales isasakay sa C-130 plane ang mga biktima sa tumaob na motorbanca kung saan nakalagay na ang mga ito sa metal casket.
Ayon din kay Gonzales nag-deploy sila kaagad ng mga staff ng OPAV sa Iloilo City upang asikasuhin ang mga nasabing biktima matapos makipag-ugnayan kay Cebu City Mayor Edgardo Labella.
Samantala, sinabi rin ni Gonzales na posibleng ipaalam ni Presidente Rodrigo Duterte sa kanyang pagbisita sa Iloilo City kung anong tulong ang maibibigay ng Office of the President para sa mga kamag-anak ng mga nasawi sa boat incident.