Nasa 9 na programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang in-exempt ng Commission on Elections (Comelec) sa election spending ban para sa 2025 midterm elections.
Ito ay kasunod ng kahilingan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na i-exempt ang naturang programa mula sa pagbabawal sa paggamit ng public funds sa panahon ng halalan.
Sa isang memorandum, inaprubahan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang rekomendasyon ng law department ng poll body na i-exempt ang mga sumusunod na programa ng DOLE:
Kabilang dito ang Special Program for Employment of Students, Government Internship Program, JobStart Philippines Program, Adjusted Measures Program, Workers Organization Development Program, DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program, Financial Assistance Program to Distressed Migratory Sugarcane Workers, Child Labor Prevention and Elimination Program at EnTSUPERneur Program.
Samantala, ayon kay chairman Garcia, alinsunod sa Comelec Resolution No, 11060, nangangailangan ng certificate of exemption ang mga ahensya na magpapatuloy sa pagpapatupad ng mga social welfare at service projects sa panahon ng public spending ban.