BAGUIO CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga casualties na iniwan ng pananalasa ng Severe Trocipal Storm Maring dito sa Baguio City at Benguet.
Batay sa mga impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo, aabot na sa siyam ang bilang ng mga nasawi habang tatlo ang sugatan at isa ang missing.
Huling nadagdag sa tala ng mga nasawi ang magpinsan na nasama nang matabonan ng gumuhong lupa ang kanilang tahanan sa Dominican Mirador, Baguio City.
Nakilala ang mga ito na sina Thalia Caside Ocampo, apat na taong gulang; at si Judy Rose Tulipas, 12.
Bandang alas-10:20 kaninang umaga nang matagpuan ng search, rescue and retrieval team ang bangkay ng mag-pinsan sa bahay ng mga ito na natabunan ng gumuhong lupa.
Nauna nang natagpuan ang bangkay ng kanilang lolo na si Alredo Ocampo Jr. kahapon ng tanghali.
Naging malaking tulong sa search, rescue and retrieval operation ang mga kawani ng Cordillera Police at kanilang K9 units, mga reservists, bumbero, water deliveries at iba pang rescuers.
Samantala, patay din ang 20-anyos na si June Perez Balangen matapos at kapatid na si Romy Balangen, 25, nang gumuho ang dinadaanan nilang palayan sa Tacadang, Kibungan, Benguet, noong Lunes, October 11.
Naglalakad sa palayan ang magkapatid nang biglang gumuho ang nilalakaran nilang bahagi ng palayan.
Nagawa ng isa nilang kapatid na makatakbo habang nasama ang dalawang biktima sa pagguho ng lupa patungo sa katabing ilog.
Natagpuan na ang bangkay ni June Balangen habang patuloy ang paghahanap sa katawan ni Romy Balangen.