CAUAYAN CITY – Nawalan ng preno ang eroplano na nag-overshoot sa runway ng airport sa Palanan, Isabela at sumadsad sa damuhan sa lampas ng runway.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Rommel Galamgam, hepe ng Palanan Airport Police Station na ligtas ang siyam na sakay ng Piper Aircraft na pag-aari ng Cyclone Airways na nakabase sa San Fermin, Cauayan City.
Ang pinakabatang sakay ng eroplano ay 2 anyos na batang lalaki.
Ayon kay PCapt Galamgam, nagpapasalamat sila na walang nasugatan sa mga pasahero ng eroplano kabilang ang piloto na si Capt Ariel Cuardo.
Ang eroplano ay galing sa Cauayan City Domestic Airport at nakalapag na sa runway ng Palanan, Isabela ngunit nag-overshoot sa runway matapos hindi mag-full stop dahil nawalan ng preno.
Ayon kay PCapt Galamgam, nagtamo lamang ang eroplano ng bahagyang pinsala sa propeller.
Bumalik na aniya sa normal ang operasyon ng Palanan Airport kaninang alas onse ng umaga matapos mangyari ang pag-overshoot kaninang 10:13am.