CENTRAL MINDANAO- Nagsilikas ang mga sibilyan sa pagsiklab ng matinding bakbakan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga nasawi na sina Private First Class (PFC)Jovit Sarno at PFC Raymond Canlog, kapwa nakatalaga sa 57th Infantry Battalion Philippine Army at labing dalawa ang nasugatan.
Pito naman ang napaulat na binawian ng buhay sa BIFF at apat ang nasugatan.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade na habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 57th Infantry Battalion Philippine Army sa Brgy Penditen Datu Salibo Maguindanao at hangganan ng bayan ng Shariff Saydona Mustapha ay naka-engkwentro nito ang grupo ni Kumander Karialan ng BIFF.
Tumagal ng halos tatlong oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig resulta nang pagsilikas ng maraming sibilyan.
Umatras ang mga rebelde papasok ng SPMS Box nang paputukan sila ng mga sundalo gamit ang 105 mm Howitzers cannon at tumulong na rin ang mga air asset ng Philippine Air Force (PAF).
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng Joint Task Force Central laban sa BIFF sa SPMS Box sa Maguindanao.