(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Umakyat pa sa siyam katao ang kompirmadong nasawi habang 33 pa ang sugatan sa malagim na aksidente sa Purok 4, Sitio Bagaay, Barangay Baliwagan, Balingasag, Misamis Oriental kaninang umaga.
Sa impormasyon na inilatag ni Police Master Sgt Roel Pabatao, traffic officer ng Balingasag Police Station na kabilang sa mga nasawi ang limang lalaki habang apat din ang mga babae na lahat ay nagmula sa Barangay Aposkahoy, Claveria nitong lalawigan.
Sinabi ni Pabatao na batay sa inisyal na nakuha nila na impormasyon mula sa survivors na binigyang pahintulot sila ng kanilang punong barangay na maligo sa isang resort sa karatig-bayan ng Lagonglong subalit habang nasa makurbada na bahagi pa lamang umano sila ay nawalan na ng preno ang elf-truck.
Natuklasan na ang mga naliligo ay barangay workers ng Aposkahoy ng Claveria habang sumama naman ang kanilang mga kaanak dahilan kaya nasa tatlong sasakyan ang nag-convoy papunta sana sa Del Carmen Beach & Swimming Pool nang maganap ang malagim na aksidente.
Kasalukuyang nilalapatan din ng medikasyon ang nasa 18 pa na mga biktima na lahat nasa Misamis Oriental Provincial District Hospital ng Balingasag sa lalawigan.