Siyam na katao na ang naitalang patay bunsod ng malawakang pagbaha sa kabisera ng bansang Indonesia na Jakarta.
Libu-libong residente na rin ang lumikas sa mga temporary shelters dahil sa nalubog na sa tubig-baha ang siyudad at kalapit na mga bayan.
Ayon kay National Disaster Mitigation Agency spokesman Agus Wibowo, ang pagtaas ng tubig sa mga ilog dulot ng monsoon rains ang siyang nagpalubog sa nasa 90 baryo at nagpaguho ng lupa sa lungsod ng Depok.
Kabilang din aniya sa mga namatay ang isang 16-anyos na high school student na nakuryente, habang nahigit sa 19,000 katao ang nananatili ngayon sa mga pansamantalang tirahan matapos na umakyat ang tubig ng hanggang tatlong metro 0 10 talampakan sa ilang mga lugar.
Sinabi naman ni Jakarta Gov. Anies Baswedan, nagpakalat na ng 120,000 rescuers upang tumulong sa paglikas ng mga apektadong residente, at maglagay na rin ng mobile water pumps.
Nagbabala rin ang mga otoridad na posible pa raw tumagal hanggang Abril ang mga pagbaha, na siya ring pagtatapos ng panahon ng tag-ulan.
Nangako naman si Baswedan na tatapusin nila ang mga proyekto sa dalawang ilog upang mapigilan ang pagbaha. (AP)