(UPDATE) Kinumpirma ng PNP-Southern Police District (SPD) na siyam ang naitalang nasawi sa nangyaring riot ng dalawang magkaribal na gang sa loob ng New Bilibid Prison nitong Biyernes ng madaling araw.
Ayon sa SPD, base sa impormasyon mula kay Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Col. Gabriel Chaclag, sa nasabing bilang ay pito ang nanggaling sa Sputnik Gang, habang dalawa ang nagmula sa Commando Gang.
Una nang sinabi ni Chaclag, nangyari ang riot sa East Quadrant ng Maximum Security Compund dakong alas-2:30 ng madaling araw, ngunit agad namang napigilan ng mga otoridad bago pa lumala ang eksena.
Sinabi pa ng opisyal, dawit daw sa insidente ang mga “hardcore personalities” mula sa kapwa Sputnik at Commando gang.
Tinutukoy pa rin daw nila sa ngayon kung ano ang motibo sa naturang pangyayari.
Ayon naman mismo kay BuCor Director-General Gerald Bantag, may namatay sa dalawang magkabilang panig.
Ipinatawag na rin daw ni Bantag ang dalawang commander ng Commando at Sputnik, at pinagkamay niya raw ang dalawa kasunod ng kanilang pag-uusap.
Papatawan din daw ng disciplinary action ang mga presong nasangkot sa gulo.
Kaugnay nito, inatasan na rin ni Justice Sec. Menardo Guevarra si Bantag na mag-imbestiga at magsumite sa kanya ng report sa lalong madaling panahon.
Samantala, inihayag naman ni Chaclag na hindi gaya sa regular na preso, maihahalintulad daw sa barangay ang Bilibid dahil sa populasyon nitong aabot sa 18,000.
Meron naman aniyang CCTV sa mga strategic na lugar ng Bilibid subalit aminadong hindi nito sakop ang kabuuan o bawat sulok ng Bilibid.
Hindi rin aniya mino-monitor ng mga prison guards ang mga inmates sa 24/7 basis.