-- Advertisements --

Pinatawan na ng parusa ng pamunuan ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang nasa 42 mga kadete na sangkot sa pambubugbog umano sa kanilang mga seniors.

Sa pahayag ni PNPA director C/Supt. Joseph Adnol sa Bombo Radyo, kaniyang sinabi na noong August 10, 2018 inilabas ang desisyon kung saan binigyan ng 10 araw ang mga ito para maghain ng motion for reconsideration.

Sinabi ni Adnol na sa 42 na mga kadete na sangkot sa pambubugbog siyam ang inirekomendang dismissal from cadetship, dalawa for suspension (turnback), dalawa exonerated, 31 demerits, touring and confinement.

Dagdag pa ni Adnol, matapos ilabas ang desisyon sa mga kadete ay binigyan sila ng 10 araw para maghain ng motion for reconsideration (MR).

Bago pa man ang itinakdang deadline ay nakapagsumite na ang mga ito ng kanilang MR at ito ay kanilang pinag aaralan sa ngayon kung mayroong merits ang mga ito.

Giit ni Adnol “as soon as possible” ang magiging desisyon nila sa mga inihaing mosyon ng mga sangkot na kadete.

Aniya, mayroon silang 10 araw para ilabas ang kanilang desisyon.

Ang 42 cadets ay sangkot sa pambubugbog ng kanilang mga seniors ilang oras matapos ang graduation.

Nasa anim na mga bagong opisyal ang binugbog ng mga sangkot na kadete.

Samantala, ayon naman kay PNP spokesperson S/Supt. Benigno Durana, hindi na sakop sa kanilang jurisdiction ang nasabing kaso dahil hawak ito ng PPSC.