Nahaharap sa summary dismissal proceedings ang siyam na Philippine National Police Academy (PNPA) cadets na tinukoy na nambugbog ng kanilang seniors.
Bukod sa kasong administratibo na kinakaharap ng siyam na kadete, sinampahan na rin sila ng kasong serious physical injuries.
Kasalukuyang isolated ang 44 na kadete sa loob ng PNPA sa Silang, Cavite, na sangkot pambubugbog ng kanilang mga seniors ngunit hindi lahat ay sinampahan ng kaso.
Ayon kay PNP Chief police dir. Oscar Albayalde, bagama’t sinampahan na ng kasong kriminal ang siyam na kadete ay hindi naman nakakulong ang mga ito.
Aniya, 23 sa mga kadete ay binigyan ng maximum 51 demerits, 180 confinement period, at 181 touring hours.
“Parang sa amin yun, You have to tour 180 hours, magbitbit ka ng baril, ikot ka ng ikot sa grandstand for 180 hours. Nangyari din sa amin yan when we were in second year. 120 touring hours sa amin,” pahayag ni Albayalde.
Noong Biyernes, pormal na binigyan ng PNP badge ang nasa 76 miyembro ng PNPA Maragtas Class of 2018.
Kinumpirma rin ni Albayalde na ito ang kauna-unahang klase ng PNPA na isailalim sa Special Action Force commando training, basic internal security operations, sa loob ng anim na buwan, gayundin sa basic patrol leadership course at basic intelligence officers course.