Inaprubahan na ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang rekomandasyon na sibakin sa serbisyo ang siyam na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong Hunyo 2020.
Kinatigan ni Sinas ang rekomendasyon ng PNP-Internal Affairs Service na ni-review naman ng kanilang legal department.
Ang mga sinibak sa serbisyo ay sina SMSgt. Abdelzhimar Padjiri; MSgt. Hanie Baddiri; SSgt. Iskandar Susulan; SSgt. Ernisar Sappal; Cpl. Sulki Andaki; S/Sgt. Almudzrin Hadjaruddin; Pat. Alkajal Mandangan; Pat. Mohammed Nur Pasani; at Pat. Rajiv Putalan.
Maliban sa kasong administratibo, sinampahan din ang siyam na pulis ng kasong kriminal na murder at planting of evidence ng National Bureau of Investigation.
Sa ngayon, nasa restrictive custody ng PNP ang mga ito.
Sinabi naman ni Sinas na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Justice dahil kung wala pang warrant of arrest laban sa siyam ay iti-turn over na ang mga ito sa kanilang pamilya.
Mawawalan daw kasi ng hurisdiksyon ang PNP sa kanila dahil sila ay magiging sibilyan na.
Matatandaang nagsagawa lang ng intelligence at monitoring operations ang apat na sundalo sa Jolo noong Hunyo dahil sa presensya ng dalawang hinihinalang suicide bombers nang sila ay napatay ng mga pulis.