-- Advertisements --
Gamboa PNP chief

Ihaharap umano ngayong araw ng PNP kay Pangulong Rodrigo Duterte ang siyam na pulis na sangkot sa madugong Jolo shooting incident na ikinasawi ng dalawang opisyal at dalawang enlisted personnel ng Philippine Army.

Ayon kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, sasamahan nila ni AFP chief of staff Gen. Felimon Santos Jr. ang Pangulo sa Zamboanga para makausap niya ang naturang mga pulis.

Kasama rin aniya sa mga kakausapin ng Pangulo ang mga hepe ng mga unit ng AFP sa Jolo na kinabibilangan ng mga nasawing sundalo.

Sinabi ni Gamboa na ipinaliwanag niya sa Pangulo na isolated incident ang nangyari sa pagitan ng mga pulis at sundalo sa Jolo.

Siniguro ni Gamboa na nakahanda ang PNP na tanggapin ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI hinggil sa insidente at kung anuman ang magiging pasya ng mga nakataas kaugnay nito.

Una nang nakilala ang siyam na pulis na sina S/Sgt. Almudrin Hadjaruddin, Patrolman Alkajal Mandangan, Patrolman Rajiv Putalan na mga miyembro ng Jolo Drug Enforcement Unit.

Miyembro naman ng Jolo MPS Alert Team sina PSMS Abdelzhimar Padjiri, PMSg Hanie Badiiri, PSSG Iskandar Susulan, PSSg Ernisar Sappal, PCpl Sulki Andaki at Pat Moh. Nur Pasani.

“Ako I don’t really mind whatever the truth will be. So nag-usap kami ng chief of staff and sabi nga namin sa NBI yung jurisdiction and we will wait for the findings of the NBI and actually the NBI has fastracking it and then of course iba naman yung declaration ni CGPA,” pahayag pa ni Gen. Gamboa.

Sinabi ni Gamboa naiintindihan nila ang saloobin ni Phil. Army chief Lt.Gen. Gilbert Gapay hinggil sa insidente.

Siniguro nito na hindi kukunsintihin ng PNP ang anumang maling gawain ng kanilang mga tauhan at kapag napatunayang nagkasala ay dapat lamang managot ang mga ito.