Nasa headquarters na ng PNP sa Camp Crame ang siyam na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong June 29.
Ito ang kinumpirma ni PNP chief Gen. Archie Gamboa, matapos mapagdesisyunan na dalhin na lamang sa Metro Manila ang siyam na pulis para mabawasan ang tensyon sa Sulu.
Nagnegatibo na kasi sa confirmatory test ang isang pulis na noong nakaraang linggo ay nagpositibo sa COVID-19 rapid test kaya sila ay pinayagan nang makalipad.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, lulan ng Cebu Pacific flight umalis kahapon sa Cotobato airport ang siyam na mga pulis kasama ang kanilang escort na si B/Gen Manuel Abu, regional director ng police regional office ng Bangsamoro.
Una rito, alas-9:15 ng umaga kahapon nang dumating sila sa Manila at alas-11:00 ng umaga naman nang tanggapin ng Headquarters Support Service (HSS) sa Crame at saka na-turn over kay Col. Jericho Royales, ang deputy director ng HSS.
Ang naturang mga pulis ay sina Patrolman Aljakal Mandangan, Patrolman Rajiv Putalan, Staff M/Sgt. Abdelzhimar Padjiri, M/Sgt. Hanie Badirri, Staff Sgt. Iskandari Susulan, Staff Sgt. Erkinsar Sappal, Cpl. Sulki Andaki at
Patrolman Moh Nur Pasan.
Mananatili muna sa restrictive custody ang siyam na mga pulis upang masiguro ang availability ng mga ito sa ongoing investigation ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang mga ito ay una na ring nakaharap ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Zamboanga City.