CENTRAL MINDANAO – Mariing pinabulaanan ni Kumander Abu Misry Mama ang tagapagsalita ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) na hindi nila tauhan ang siyam na mga rebelde na sumuko sa militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Sinabi ni Misry na ito ay mga local terrorist group (LTG) na sangkot sa large scale extortion, kidnapping, robbery hold-up at iba pa.
Ang tunay umanong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay may pinaglalaban sa sinusulong nilang adhikain para makamit ang tunay na kalayaan.
Matatandaan na Sumuko ang siyam umanong BIFF kay 57th Infantry Battalion Philippine Army commanding officer Lt. Col. Jonathan Pondanera.
Nakilala ang mga rebelde na sina Rahib Baguindali Nawal alyas Kumander Rahid isang Field Commander; Abdulrahim Kinona Mariano, alyas Junior, IED maker; Zed Baguindali Nawal, alyas Jerome; Mamalinta Em Abdul, alyas Alvin; Kasim Mujahid Abdul, alyas Bots; Abdul Rafael Kanda, alyas Pai; Jessie Abunawas Abdul, alyas At; Surab Abdullah, alyas Bhods; at Mentato Mesol, alyas Palangan.
Isinuko na grupo ni Nawal ang isang M4A1 carbine Cal. 5.56mm, 1-Bushmaster cal. 5.56mm, 1-Heckler at Koch 416 cal. 5.56mm, 1-Elisco M16 A1, 1-M14 rifle cal. 7.56mm, 2-homemade cal. 50 sniper rifles, at dalawang homemade RPGs na may dalawang ammunition.
Ang mga rebelde ay sangkot sa iba’t ibang karahasan sa probinsya ng Maguindanao at North Cotabato.
Iprinisinta naman ang mga rebelde kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy.
Samantala, tiniyak naman ni Gen Uy ang kaniyang suporta sa mga sumukong BIFF para sila ay maisailalim sa reintegration program ng gobyerno sa mainstream society.