-- Advertisements --

Naglabas na rin ng arrest warrant ang Sulu Regional Trial Court (RTC) upang ipaaresto ang siyam na mga pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na mga sundalo noong Hunyo ng nakalipas na taon.

Nitong nakalipas lamang na araw ay pinalaya ng PNP naturang mga pulis sa kabila ng kahilingan ng DOJ na i-hold muna ang mga ito hangga’t walang arrest warrant.

Iniulat na rin ni PNP chief Gen. Debold Sinas na sinibak na ang mga ito sa serbisyo.

Jolo Sulu blasts Bombing 2

Kinumpirma naman ngayon ni Atty. Honey Delgado, spokesperson ng Office of the Prosecutor General na ang kautusan ng korte sa pagpapaaresto sa mga pulis ay inilabas kahapon.

Sa ngayon dinidinig naman ang hiling ng prosekusyon na pagpapalabas ng hold departure orders laban sa mga akusado.

Kung maalala una nang binansagan noon ng PNP na misencounter ang nangyari, bagay na mariing kinontra ng AFP.

Napatay sa naturang insidente sina Army officers Maj. Marvin Indammog, Cpt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco at Cpl. Abdal Asula habang may operasyon laban sa dalawang mga miyembro ng Abu Sayyaf group sa Sulu.

Kabilang naman sa mga pulis na ipinagsakdal ay sina P Senior Master Sgt. Abdelzhimar Padjiri, Police Master Sgt. Hanie Baddiri, Police Senior Sgts. Iskandar Susulan, Ernisar Sappal at Admudzrin Hadjaruddin, Police Cpl. Sulki Andaki, at Patrolmen Moh Nur Pasani, Alkajal Mandangan at Rajiv Putalan.

Nahaharap ang mga ito sa kasong four counts of murder at isang “count of planting of evidence.”

Batay sa ebidensiya, nakita pa raw ang mga ito na namaril sa behikulo ng apat na mga Army intelligence officers.