ILOILO CITY – Nasa siyam na biktima ang nasugatan matapos magbanggaan ang isang kotse at pampasaherong jeep sa Barangay Dacutan, Dumangas, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Corporal Terrence Soria, imbestigador ng Dumangas Municipal Police Station, sinabi nito na nanggaling sa Lungsod ng Iloilo ang kotse na minamaneho ng isang Welmar Divinagracia ng Barangay Ilaya sa Dumangas at nanggaling naman sa parehong bayan ang driver ng jeep na minamaneho ni Sanbert Dilag ng Barangay Dacutan.
Ayon kay Soria, nang-agaw ng linya ang jeep at nang hindi makontrol ang manibela, nabangga nito ang nakasalubong na kotse.
Dahil sa malakas na impact, nayupi ang naunang bahagi ng dalawang sasakyan.
Sugatan ang dalawang driver matapos magtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Kabilang naman sa sugatang mga pasahero ng jeep ang dalawang menor de edad.
Sa ngayon patuloy pa na ginagamot sa ospital ang mga sugatang biktima.