CAUAYAN CITY – Sugatan ang siyam na katao kabilang na ang dalawang bata matapos mawalan ng preno ang isang cargo van at mahagip ang isang SUV sa pagbagsak nito sa pababang bahagi ng daang nasasakupan ng Sitio Bimangko, Antutot, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ang tsuper ng cargo van ay kinilalang si Sanzes Arrogante at ang pahinante nito ay si Elvis Taguinod na pawang residente ng Metro Manila.
Natukoy naman ang driver ng SUV ay si Lito Saranillas, isang salon shop manager habang ang sakay nito ay sina Rachel Saranillas, asawa ng driver; Joycelym Somera; Edna Pontillas; Em Villarusis; at dalawang bata na sina Auvrey Jane Somera at Qwynnsclyt Saranillas, magkakamag-anak at residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Carl Binuag ng Kasibu Police Station, sinabi niya na nawalan ng preno ang cargo van kaya nagdesisyon si Arrogante na ibangga ito sa gilid ng daan subalit sa pagbagsak nito sa pababang bahagi ng daan ay nahagip nito ang paparating na SUV na minamaneho ni Saranillas.
Dahil dito, nasugatan ang siyam na katao na sakay ng mga naturang sasakyan na agad dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Ayon sa tsuper at pahinante ng Cargo Van, nakakondisyon naman ang kanilang sasakyan ng sila ay magbiyahe subalit aminado sila na hindi sila pamilyar sa daan dahil dayuhan lamang umano sila.
Sa ngayon ay pinag-aaralan pa kung sasampahan ng kaso ang tsuper at lulan ng SUV dahil sa overloading at paglabag sa social distancing.
Ani Binuag, hindi pa nag-uusap ang dalawang panig dahil nasa pagamutan pa rin ang ilan sa mga sangkot.