LEGAZPI CITY – Ikinagulat ng mga residente ng Batuan, Masbate, ang magkakasunod na mahinang pag-uga na gumising sa kanila kanina.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Batuan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) head Byron Calolot, umabot sa siyam na pagyanig ang naitala sa lugar na nag-umpisa dakong alas-2:50 nang madaling araw.
Pinakamalakas sa mga ito ay umabot ng magnitude 4.4 kaya agad na ipinag-utos ni Mayor Charlie Yuson III ang pag-inspeksyon sa mga government buildings.
Laking pasasalamat naman ng opisyal na hindi nagdulot ng malaking pinsala ang serye ng lindol.
Samantala, sinusuri pa ni PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) Director Renato Solidum kung matatawag na earthquake swarms ang nangyari o magkakasunod na lindol na may kaunting oras lang na pagitan.
Paalala pa ni Solidum na maging alerto ang mga residente at huwag mag-panic sa mga ganitong pangyayari.