-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Patay ang siyam na taong gulang na bata matapos masabugan ng improvised explosive device (IED) na inihagis ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) habang nagsasagawa ng Community Support Program (CSP) ang mga kasundaluhan sa Barangay San Miguel Las Navas, Northern Samar.

Ayon kay Lieutenant Colonel Renen Mundog, Battalion Executive Officer ng 20th Infantry Battalion, ito na ang ika-pitong pag-atake ng mga teroristang NPA sa nasabing bayan ngayong taon.

Humalo daw ang mga rebelde sa mga tao sa isinasagawang programa ng tropa ng gobyerno at hinagisan ito ng IED.

Nataon namang sa harap ng bata sumabog ang naturang bomba.

“Populated area ito kung saan pumasok ang perpetrator, itong suspek at itinago ang sarili niya sa mataong lugar at dun inihagis ang IED, homemade grenade ito kung saan sumabog ito at natapat kung saan nandun ang bata. Napakawalang puso at hindi makatao ang pangyayari,” pahayag ni Mundog.

Kinilala ang biktima na si Armando Jay Raymunde, isang Grade 4 na estudyante.

Nagtamo ito ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Nagtangka pa ang mga sundalo na sagipin ang buhay ng bata ngunit agad din itong binawian ng buhay.

Kinokondena naman ng militar ang ginawang karahasan ng mga NPA.

“We condemn to the highest degree yong ginagawa ng mga CPP NPA na yan. Di na makatao at di rin makatarungan,”dagdag ni Mundog.

Agad namang nagbigay ng financial assistance ang 20th Infantry Battalion sa pamilya ng bata.

Samantala, nananawagan ng hustisya ang pamilya ng nasawing menor de edad.

Maaalalang isang bata rin ang nadamay sa pag-atake ng mga teroristang NPA sa Victoria, Northern Samar noong nakalipas na buwan.