-- Advertisements --
VACCINE COVID test kits PCR

Pumirma ng safety pledge ang siyam na vaccine makers na gumagawa ngayon ng bakuna laban sa coronavirus.

Nakasaad sa nasabing pinirmahang kasunduan na dadaan sa mataas na ethical standards at tamang scientific principles ang mabubuo nilang COVID-19 vaccines.

Ang mga kompaniya na nagsama-sama ay kinabibilangan ng mga higanteng pharma firms na AstraZeneca, BioNTech, Moderna, Pfizer, Novavax, Sanofi, GlaxoSmithKline, Merck at Johnson & Johnson.

Ang nasabing kasunduan ay lumabas matapos ang pahayag noong nakaraang linggo ni US Food and Drugs Administrator Commissioner Dr. Stephen Hahn na ikukunsidera nila ang emergency use authorization o pag-apruba sa COVID-19 vaccine bago matapos ang Phase 3 trials.

Base rin sa nasabing kasunduan, magsusumite lamang sila para sa pag-apruba o emergency use authorization matapos ang pagpapakita na ligtas at matagumpay ang gagawing Phase 3 clinical study ng nasabing bakuna.

Magugunitang nasa Phase 3 clinical trials sa US na ang Pfizer at Moderna para sa COVID-19 vaccine.

“We, the undersigned biopharmaceutical companies, want to make clear our on-going commitment to developing and testing potential vaccines for COVID-19 in accordance with high ethical standards and sound scientific principles,” bahagi ng pledge na kanilang pinirmahan.