MANILA – Aabot sa 90 bagong species ng halamang dagat o marine flora ang natuklasan ng mga Pilipinong scientist sa isang pag-aaral na inilunsad sa isla ng Siargao.
Kilalang tourist spot ang Siargao Islands, na matatagpuan sa Surigao del Norte.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato de la Pena, bahagi ng programang SAKLAW (Saklolo sa Lawa – Sustainable Communities) ang pag-aaral.
Inilunsad ito ng Biological Sciences Division ng National Integrated Basic Research Agenda, na sinuportahan ng DOST-National Research Council of the Philippines.
“According to the study, out of the 54 mangrove species in the world, Del Carmen is composed of 19 or 35.19% of the world species. There is also a remarkable record of new 90 species of marine flora, thus, the need for continuance of correct and diversified mangrove planting.”
Sumentro ang pag-aaral sa bayan ng Del Carmen. Partikular na sa mangrove forests nito.
Bukod sa mga halamang dagat, natuklasan din daw ng mga nagsaliksik ang ilang beach forest species, at posibleng mga bagong uri ng palaka, daga, tarsier, insekto, at decapod crustaceans.
Una nang nakapagtala ng Del Carmen local government unit ng 110 species ng halaman, at 403 uri ng hayop mula sa dagat at kabundukan.
“With this rich diversity, a move for the global importance of Del Carmen, Siargao should be considered for its conservation and sustainability.”
Makakatulong daw ang mga nalikom na datos para mapasali ang bayan ng Del Carmen sa listahan ng RAMSAR sa Pilipinas.
Ang RAMSAR ay isang kasunduan sa pagitan ng iba’t-ibang bansa. Layunin nito na mapanatili at protektahan ang mga wetlands.
“It also seeks to recognize the significant ecological roles played by the wetlands and their scientific, recreational, cultural, and economic significance.”
Sa kasalukuyan, anim na wetland habitats sa Pilipinas ang kinilala ng RAMSAR bilang “wetlands of international importance.”