-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinapaubaya ngayon ni Iligan City Lone Dist. Rep. Frederick Siao sa Kongreso ang pagpapatupad ng 90-day preventive suspension na ipinapataw sa kaniya ng Sandiganbayan.

Ito’y may kaugnayan sa reklamo laban sa kanya sa diumano’y ilegal na pagpapaupa ng mga lupang gobyerno sa Iligan City.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Rep. Siao na malalaman pa ngayong Hulyo 22 kung ano ang magiging desisyon ng House of Representative sa kinakaharap niyang suspension.

Aminado si Siao na ang nasabing suspension ay bahagi lamang ng mga hamon sa kaniyang trabaho at kagagawan ng kaniyang mga kritiko.

Napag-alaman na ang reklamo laban kay Siao ay nagmula sa kanyang di-umano’y pakikilahok sa pagpapahintulot nito kay dating Iligan Mayor Lawrence Cruz na palawigin ang pagpapa-upa ng mga lupain ng pamahalaang lokal noong siya pa ang konsehal ng lungsod at hindi dumaan sa isang public bidding.

Nabunyag din na ang mga kontratista na nagpapaupa sa mga lupa na kinabibilangan ng Kiwalan Lumber Company at Salvatori Development Corp. at may kaugnayan sa ina ni Cruz.