Malabo umanong makamit ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 90 million na mga indibidwal sa Pilipinas sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa June 30.
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., ito ay dahil sa nakikitang pagbaba ng vaccination rate laban sa COVID-19 sa bansa.
Dagdag pa niya, mula sa dating nasa mahigit na 27 million na dami ng mga nababakunahan noong November 2021 ay bumaba pa ito sa 6.7 million doses noong buwan ng Marso ngayong taon habang tinatayang nasa 2.5 million pa lamang aniya ang kasalukuyang nababakunahan ngayong Abril.
Paliwanag ng vaccine czar, kasabay daw nang pagsisimula ng panahon ng halalan na sinundan naman ng mga religious gatherings at local rallies ay nakitaan na rin nang pagbaba ang bilang ng mga nagpapabakuna.
Hindi lamang aniya sa Pilipinas kundi sa buong mundo ay nararamdaman ang problemang ito sa programang bakunahan laban sa nasabing virus.
Samantala, sinabi ni Galvez, na sa ngayon ay posibleng nasa 70 hanggang 77 million lamang ang mabakunahan ng pamahalaan at umaasa pa rin aniya sila na mapapataas pa ito nang hanggang 80 million sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo.
Aniya, sa bilang na ito ay magiging masaya na rin sa oras na makamit nila ito kasabay ng pagbaba ni Pangulong Duterte sa kanyang panunungkulan.