CENTRAL MINDANAO – Malawak na umano ang nalilinis sa national highway sa probinsya ng Maguindanao kaugnay sa ipinatutupad na road clearing operation.
Ayon kay Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal sa kanilang bayan 90% na ang inabot nang paglilinis sa national highway, mga kalye at barangay road sa road clearing operation.
Bago ipinatupad ang Memorandum Circular 2019-121 ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay pinakiusapan muna ni Mayor Montawal ang mga apektadong residente sa road clearing operation na kautusan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng gobyerno, kaya kailangang sundin ng mga lokal na pamahalaan sa Maguindanao.
Nilinaw ng alkalde na ito ay road clearing at hindi road widening.
Giit ng mayor sa bayan ng Datu Montawal lahat naman daw ay pumabor, walang na-agrabyado, walang nilabag sa karapatang pantao at lahat ay binigyan ng pagkakataon na sila mismo ang gumiba sa mga nakahambalang pader, bahay at mga tindahan sa mga kalye, municipal at barangay road lalo na national highway.
Una nang nagbanta si Mayor Montawal sa mga lalabag at magmatigas sa Memorandum Circular 2019-121 ng DILG na walang sasantuhin ang LGU-Datu Montawal maipatupad lamang ng maayos ang kautusan ng Presidente.
Pinaplano rin ni Montawal na magbigay ng tulong lalo na sa mga mahihirap na pamilya na nawalan ng bahay at walang kakayahan ng magtayo na bagong matitirhan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy parin ang road clearing operation sa bayan ng Datu Montawal at hindi pa aabot sa taning na araw ng DILG ay matatapos na raw ito.