Nabayaran na ng Department of Health ang 90% mula sa kabuuang Health Emergency Allowance obligation na P103.5 billion para sa mga health worker na nagtrabaho noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ito ay kasunod ng desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pondohan ang natitirang P27.3 billlion ngayong taon.
Noong September 20, na-disburse na ang 64% o P17.4 billion mula sa karagdagang pondo na P27.3 billion.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang P20 billion na isinauli ng Philhealth sa Bureau of Treasury na sobrang bayad na hindi nagamit ang pinangdagdag sa pondo para sa HEA ng COVID-19 frontliners.
Kabilang sa mga pasilidad na nakatanggap lamang kamakailan ng health emergency allowance ay ang Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City at Gentri Medical Center and Hospital sa General Trias, Cavite.
Samantala, nakatakda namang ipamigay sa Oktubre ang natitirang P2.9 billion para sa HEA payments sa Central offices ng DOH sa Cagayan Valley, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region at Soccsksargen.