Halos 90% na umano ng mga evacuee sa lungsod ng Marikina ang nakauwi na sa kani-kanilang mga tahanan.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, sa ngayon ay nasa mahigit 1,000 pamilya pa ang nanunuluyan sa mga evacuation centers matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Una nang lumabas ang mga ulat na may limang evacuees ang nagpositibo sa COVID-19 matapos sumailalim sa swab test.
Samantala, sinabi ni Teodoro na patuloy pa rin ang clearing operations ng mga lokal na opisyal sa mga major at secondary roads sa siyudad.
Paglalahad pa ng alkalde, nag-iwan ng 980,000 cubic meters na debris ang Bagyong Ulysses sa kanilang lugar.
Target naman aniya ng kanilang local government unit na matapos ang road-clearing efforts sa pagtatapos ng Nobyembre o sa unang linggo ng Disyembre.