Batay sa utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na “reclaim public roads which are being used for private ends,” 90 porsyento na ang naisasagawa ng lungsod ng Taguig.
Sinabi ni Taguig City Mayor Lino Cayetano na ang nasabing accomplishment ay naisagawa na sa kalahati pa lamang ng 60-day deadline na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang linisin ang lahat ng kalsada sa bawat lungsod
Ang pagpapataw ng deadline ay alinsunod sa kamakailang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte, kung saan binigyang-diin niya na muling mabawi ang lahat ng kalsada na ginagamit para sa pribadong interes.
Sa Taguig, aniya ay siniguro na ang lahat ng mga daanan ay nagagamit ng publiko.
Noong 2010 pa nagsimulang magsagawa ng clearing operations ang pamahalaang lungsod.
Ang pagpapaalala at direktibang ito ng Pangulo, gayunpaman, ay nagbigay inspirasyon sa lokal na pamahalaan ng Taguig upang magpasa ng executive order na nakapokus sa long-term mobility ng lungsod. Ang simple ngunit komprehensibong layunin ng EO ay gawing mabilis at ligtas ang mga daraanan ng mga pedestrian sa lungsod ng Taguig.
“We just intensified our clearing operations and we are continuing to work with the community so we can move to the next phase of our mobility operation,” wika ni Mayor Lino.
Kinilala rin ng lokal na pamahalaan na upang mapanatili at maging normal na ang kalinisan ng mga kalsada ay kinakailangan na mas isaayos ang mga polisiya, baguhin ang kultura ng mga residente at magsagawa ng mga imprastraktura na makatutulong dito.
Ang umiiral na Taguig Vehicle Pedestrian at Mobility Plan ay mas sinaayos at ibinatay na rin sa ten-point agenda ni Mayor Lino Cayetano na nagbibigay diin sa pangangailan ng safe city para sa bawat mamamayan.
Maliban sa araw-araw na mga cleaning operations, binuksan na ng local na pamahalaan ang Mabuhay Lanes, pinagaaralan na rin ang pagbubukas ng mga daanan para sa mga sasakyan sa ilang baranggay lalo na sa oras na mabigat ang trapiko, at maging ang mga itinalagang babaan at sakayan ng mga dyip ay kanilang isinusuri na.
Upang mabago ang mga nakasanayan, patuloy na isinasagawa ang mga seminar ukol sa batas trapiko at regulasyon, driver etiquette, green driving, information drives ukol sa pedestrian walking, green walking, at maging presensya ng mga enforcers sa daan na magbibigay ng karampatang parusa sa mga motorista at pedestrian na hindi sumusunod sa batas ay mas paiigtingin, samantalang ang paglalagay ng mga traffic lights, pagdadagdag ng mga parking spaces sa mga itinatayong building ay pagiibayuhin na rin.
“The goal is for residents and visitors to go to their destinations in Taguig faster and safer, not just for a specific short period of time, but for a long time,” dagdag ni Mayor Lino.