Muling naglabas ng abiso ang Phivolcs ukol sa tumataas na seismic activity ng sa Kanlaon Volcano.
Batay sa record, nasa 90 volcanic earthquakes ang naitala ng Kanlaon Volcano Network mula kahapon hanggang ngayong araw.
Karamihan sa mga lindol na ito ay nagmula sa lalim na 20 kilometro sa timog-silangang bahagi ng bulkan.
Ito ay binubuo ng limang volcano-tectonic events na dulot ng pagkakabasag ng mga bato at 85 mahinang low-frequency events na nagpapakita ng paggalaw ng mga volcanic fluids.
Bukod dito, ang paglabas ng volcanic sulfur dioxide (SO2) gas mula sa summit crater ay nananatiling mataas mula nang magkaroon ng pagsabog noong ika-3 ng Hunyo 2024.
Ang kasalukuyang average nito ay 3,254 tonelada bawat araw mula noon at umabot sa 5,083 tonelada kahapon.
Ang data mula sa electronic tilt measurements ay nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng aktibidad ng bulkan mula Abril hanggang Hulyo 2023, at mas matagalang pag-angat ng lupa na nagpapahiwatig ng mabagal ngunit patuloy na pagtaas ng pressure sa loob ng bulkan.
Ang pangkalahatang mga parameter ng monitoring ay nagpapahiwatig na ang mga magmatic process sa ilalim nito ay maaaring sanhi ng mataas na konsentrasyon ng volcanic gas at pamamaga ng mga bahagi ng Kanlaon volcano.