Hindi lahat ng 1,076 Caloocan police na sumailalim sa retraining ang makakabalik sa kanilang trabaho.
Ito ang binigyang linaw ngayon ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde.
Sa panayam kay Albayalde kaniyang sinabi na isasailalim pa sa evaluation process ang 1,072 na mga pulis bago sila makabalik sa kanilang trabaho.
Iniulat ni Albayalde na sa unang batch na ito, 104 ang hindi pumasa sa retraining.
Sa bilang na ito, ang 29 na bumagsak na nakakuha ng grade na mula 70-74 ay ipapadala sa labas ng NCR, ang 41 na may grade mula 51 hanggang 69 ay nirekomemda para sa retraining, habang ang 34 kasama ang dalawang AWOL na may grade na mababa sa 50 ay natukoy na hindi na karapat dapat manatili sa serbisyo.
Target ng NCRPO makabalik sa trabaho ang mga nasabing pulis sa susunod na linggo kaya tatapusin ngayong linggo ang vetting o evaluation process para sa mga nasabing pulis.
Hindi naman magagarantiya ni Albayalde na makakabalik ang mga ito sa Caloocan Police Station.
“Unang una nagform kami ng committee that will conduct validation and evaluation lahat ng mga nag-graduates kasi merong 972 ‘yung recommended na pumasa at merong iba na mahigit 100 na failed at meron din yung mga hindi pumasok, nag-awol and they will be subject to precharge evaluation and meron din naman hindi nagreport during the drug test so lahat ‘yon ay iimbestigahan natin and ‘yung vetting process will be done at meron kaming committee headed by the DRDA to do the vetting process,” wika pa ni Albayalde.