Kinumpirma ng abogado ni presidential candidate Bongbong Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na pinagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang hirit na extension para sagutin ang petisyong inihain para ipakansela ang certificate of candidacy (CoC) ng dating senador.
Sinabi ng counsel ni Marcos na lima o pitong araw ang ibinigay na extension pero tiniyak naman nitong maisusumite nila ito bago ang itinakda ng poll body na preliminary conference sa Nobyembre 26.
Una rito, matapos mag-isyu ng summon ang Comelec kay Marcos ay binigyan nila ito ng deadline na hanggang Nobyembre 16.
Nag-ugat ang kaso laban kay Marcos sa mga inihaing petisyon sa Comelec ng Task Force Detainees of PH, KAPATID, Medical Action Group, Alliance of Human Rights Advocates at Balay.
Kinuwestiyon ng mga ito ang eligibility ni Marcos sa pagtakbo sa halalan dahil umano sa hindi pagbabayad ng buwis.
Ayon sa mga petitioners, hindi raw dapat payagan ng Comelec na tumakbo si Marcos dahil sa kanyang conviction sa paglabag sa Internal Revenue Code na siyang basehan para sa penalty at perpetual disqualification sa paghawak ng public office.
Nakalagay sa petisyon ang desisyon noong 1995 ng Quezon City court na convicted si Marcos dahil sa hindi paghahain ng kanyang income tax return mula 1982 hanggang 1984.
Pero base naman sa ruling ng Court of Appeals (CA) nang iakyat ito ng kampo ni Marcos sa appelate court ay pinagmulta na lamang ang nakababatang Marcos at tinanggal ang parusang pagkakakulong.
Samantala, magiging abogado naman ni Marcos sa naturang kaso ang batikang abogado na si dating Solicitor General Estelito Mendoza, 91-anyos.
Sa kabilang dako, naglabas na ang kampo ni Marcos ng statement kaugnay ng bagong petisyon sa Comelec para ipakansela ang CoC ng dating senador.
Inihain ito nina Bonifacio Ilagan, dating mambabatas na si Satur Ocampo at ilang biktima ng batas militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang petisyon ay kahalintulad din ng mga naunang petisyon.
Ayon kay Rodriguez, inaasahan na raw nila ang tinawag niyang “saga” ng mga kalaban sa pulitika para sa gutter politics o hindi malinis na pamumulitika.
Tinawag ulit ng kampo ng senador na nuisance petition ang inihaing bagong petisyon sa Comelec.
Aniya ang naturang cheap political gimmicks ay galing umano sa parehong mga tao na ayaw makawala sa pandemyang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa isyu ng mga petitioners, binigyang diin ni Rodriguez na walang jurisdiction ang Comelec para i-review, amiyendahan, i-modify o i-nullify ang mga desisyon ng Court of Appeals (CA).