ROXAS CITY – Halos hindi na makilala ang bangkay ng 91-anyos na lola matapos na nasama ito sa nasunog na bahay, Biyernes ng gabi, sa Sitio Dawis, Barangay Tawog, bayan ng Sigma, lalawigan ng Capiz.
Kinilala ang biktima kay Remedios Abal, ng nasabing lugar.
Base sa inisyal na imbestigasyon ni FO1 Daryl Felongco, fire and arson investigator ng Bureau of Fire Protection-Sigma, naiwan ang biktima sa kanilang bahay matapos na nakinuod ng telebisyon ang kanyang mga apo sa kanilang kapit-bahay.
Sinasabing gabi-gabi nagdadasal ang lola bago matulog at nagsisindi ng kandila.
Naramdaman nalang ng isa pa nilang kapitbahay na tila may nasusunog, at ng kanilang tingnan, bumungad ang natutupok na na bahay ng senior citizen.
Tinangka pang iligtas ni Nape Badenas, 37-anyos kapitbahay at isa sa mga apo ng biktima na hatakin ang kamay ng kanyang Lola bagamat mabilis na nilamon ng apoy ang katawan nito.
Napag-alamang walang kuryente ang bahay ng biktima at narinig pa itong humingi ng saklolo.
Tinatayang nasa P50,000 ang pinsala ng totally burned na bahay na gawa sa light materials, habang nagkakahalaga ng P20,000 ang pinsala sa partially burned na bahay ni Badenas.
Sa ngayon, nasa punerarya na ang bangkay ng lola habang patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga bumbero sa pinagmulan ng sunog.