Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan na mapabilis ang oras ng pagresponde sa mga tawag sa 911 emergency hotline, partikular na sa Metro Manila.
Sinabi ni Remulla na layunin nilang makapagpadala ng responder sa loob lamang ng tatlong minuto mula sa oras ng pagtanggap ng tawag lalo na sa National Capital Region (NCR).
Dagdag pa ni Remulla, kada buwan ay ilulunsad ito sa bawat rehiyon habang pine-perfect pa ang sistema.
Inamin naman ni Remulla na malaking hamon sa kanila ang mataas na bilang ng mga prank calls na umaabot sa 60%.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na mga barangay responders muna ang unang ipapadala upang i-verify kung totoo ang insidente.
Aniya, maaari rin nilang gamitin ang video streaming para masuri kaagad ang sitwasyon.
Binigyang-diin pa ng opisyal, patuloy aniya ang mga hakbang ng DILG para mapahusay ang 911 emergency response system, kabilang ang pagpapababa ng porsyento ng prank calls at pagpapabilis ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at mga barangay.