Namonitor ng Philippine Navy ang nasa 92 barko ng China sa iba’t ibang maritime features sa West Philippine Sea.
Sa isang press briefing ngayong Martes, iniualt ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na sa naturang bilang, 10 ay barko ng Chinese Coast Guard, 9 ay mula sa People’s Liberation Army Navy, 68 ay Chiense maritime militia vessels at 2 research survey vessels.
Ayon sa opisyal, 10 mula sa 92 Chinese vessels ang naispatan sa Panatag shoal, 13 sa Ayungin shoal, 38 sa Pag-asa islands, 5 sa Lawak island, 5 sa Panata island, 13 sa Sabina shoal, 4 sa Julian Felipe reef at 30 sa Iroquios reef.
Noong nakalipas na linggo, iniulat ng PH navy na nasa 122 barko ng China ang naispatan sa loob ng WPS mula Hulyo 30 hanggang Agosto 5.
Ito ay nagpapakita ng malaking pagbaba kumpara sa 400 dayuhang mga barko na namonitor sa WPS noong nakalipas na taon kung saan 85% dito ay mula sa China.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Col. Padilla na nananatiling committed ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ng Pilipinas sa paggiit ng ating soberaniya at pagdepensa sa ating maritime zones sa WPS sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga maritime cooperative activities kasama ang like-minded countries.